Manok at Jolens

“Limang pitik pag talo, ha?”

Nakayuko ang tatlong lalaki sa gilid ng daan. Malaki ang agwat ng edad nila. May walo, may labintatlo, may dise-ocho. Sa unang tingin ay hindi mo mahuhulaan ang totoong pangalan ng mga ito—James, Carlos, at Anton. Mga pangalang hindi nababagay para sa mga maruruming batang kalye. Hindi rin naman mahalaga ang mga pangalang iyon dahil wala naman silang birth certificate. Ipinanganak lang sa sulok at sa sulok na rin lumaki. Palayaw lang ang ginagamit ng magkakaibigan na tuluyang nalilimutan ang mga totoong pangalan. Utoy. Caloy. Ton-ton. Mas akma sa kanilang karungisan.

Di alintana ang dumi ng kalsada, nakatuon ang atensyon nila sa puting jolen na kailangang tamaan. Sanay na sila sa alikabok at putik at baho. Wala na sa kanila ang mga nagdaraang dyip at ang maitim na usok mula sa trambutsong ilang dekada nang hindi napapalitan. Sa sidewalk na sila natutulog. Dito na rin naglalaro.
Alas dose na ngunit wala pang laman ang sikmura ng tatlo. Walang problema. Kumain na sila ng malaking fried chicken kagabi na itinapon ng estudyante sa basurahan. Kaunti nalang ang kanin pero napagkasya din nila. Kinuha ni Ton-ton ang naiwang buto at nginuya ito habang naghihintay ng antok. Nung gabing yon, napuno ang panaginip nya ng masasarap na pagkain at punong sikmura.

“Redi na?” tanong ni Caloy habang sinisigurong tama ang anggulo ng kamay.

“Okey. Payts,” ang sagot ni Utoy na kahit na pinakabata man sa grupo ay may pinakalamakas na boses sa tatlo.

Hindi natamaan ni Caloy ang jolen at naghanda na para sa pitik ng mga kalaro. Ilang oras pa nilang sinubukan, pero talo pa rin ni Ton-ton ang dalawa. Hindi na sila nagtaka. Mas marami nang praktis ang dise-ocho anyos na hanggang ngayon ay wala pa ring ibang ginagawa buong araw.
Nang malapit na ang gabi, tumunog na rin ang sikmura ng tatlo.

“Magdadala kaya ng ulam tatay ko?” tanong ni Utoy.

“Naka-iskor yun ng selpon kahapon. Yung tatskrin. Malaki din siguro ang kinita nya dun, kaya wag mo nang asahang babalik yun ngayon. Malamang nagpapakalasing pa yun sa tindahan. Maghanap nalang tayo ng mapaghihingan,” payo ni Caloy.

“Pwesto na dun habang marami pang tao!” pasigaw na sabi ni Ton-ton, sabay tulak sa kaibigan.

Gaya ng dati, si Utoy ang lumalapit sa mga nagdaraan. Mas naiintindihan nila kung bata ang nanghihingi ng pangkain dahil wala pa itong kakayanang maghanapbuhay. Tinitingnan lang nila nang masama si Caloy at Ton-ton kapag sila ang humingi.

“Anlalaki na ng katawan, nanlilimos pa rin,” ang madalas na kutya ng nagsisipagdaan. “Hindi man lang makahanap ng trabaho para mabuhay nang disente.”

Ang hindi puna ng mga estranghero ay disente na para sa kanila ang makakain nang dalawang beses sa isang araw kahit na hinalungkat lang sa basurahan ang pananghalian at hapunan. Madalas ay binubusog na lang nila ang sarili sa pagtingin sa loob ng mga restawran at iniisip na sa bibig nila pumapasok ang bawat subo ng mga kostomer na kadalasa’y nagtitira pa ng kaunti sa plato.

Sa wakas ay may nag-abot din ng supot kay Utoy. Isang matandang babae na hirap na sa paglalakad na inaalalayan pa ng apong halos kaedad lang ni Ton-ton. Bago umalis ang lola, may iniabot itong maliit na bagay kay Utoy na mahigpit na hinawakan ng huli at agad na ibinulsa. Matapos mag-alay ng maikling pasasalamat, tumakbo na si Utoy sa mga kaibigan at pinagsaluhan nila ang limos na pagkain.

“Walastik! Jalibee, pare!” sabi ni Caloy bago sabay na isinubo ang spaghetti at burger.

“Ayos! May manok na naman!” sigaw ni Utoy.

Naglaro ng jolens buong maghapon. Matutulog na may laman ang tiyan. Disente ang araw nila.

Matapos ang ilang oras na pagmamasid sa mga dumaraan, inilapag na nila ang mga karton sa sulok at nagsimula nang humiga. Habang hinihintay ang antok, napupuna ni Caloy ang paunti-unting paghupa ng trapik at pagkonti ng mga yapak sa kalsada. Hindi kalaunan ay napikit na rin siya at tuluyang nahimbing.

Pumatak ang alas dose. Isang taong nagtatago sa dilim. Dalawang kamay na humila palayo. Tatlong magbabarkada na napadaan ngunit walang napuna. Apat na minutong nagpumiglas. Limang saksak.

Ilang segundo pa bago nawalan ng malay si Utoy. Sa huling hininga’y nakuha pa nitong tumingin sa kaibigan na kinakapkap ang kanyang pantalon upang hanapin ang isandaang pisong limos ng mabait na ale.

Tirik na ang araw nang mapuna ni Manong Julio ang amoy. Maya-maya pay nagsipagdatingan na rin ang mga nakarinig sa balita.

“Sino kaya ang pumatay?”

“Kawawa naman yung bata.”

Matapos punain ang kaawa-awang kinahinatnan ni Utoy, nagsialisan na rin ang mga chismosong inaalala na kung anong uulamin sa hapunan. Dumating ang dyip na walang masyadong laman. Nag-unahan na ang mga nakikiusisa sa naganap at tuluyang kinalimutan ang nakita. Hindi na inimbistigahan ng pulisya ang krimen. Normal lang yun sa malaking syudad. Batang tambay na napagdiskitahan ng adik. Wala nang bago.

Inihagis ng pulis ang hinihithit na sigarilyo at tinapakan upang mapatay ang apoy. Kung anuman ang nangyari nung hapon sa walong taong gulang na bata ay hindi na niya ikinabigla.

Walang may alam. Wala ring may pakialam.

Published by Ping

An aspiring lawyer in her twenties who's just trying to make the right decision of saying no to chocolate every day and failing miserably

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started